Ang Siling bird's eye (Bird's eye chili) o siling Thai (Biyetnames: Ớt hiểm, Thai: พริกขี้หนู, RTGS: phrik khi nu, IPA: [pʰrík kʰîː nǔː], literal na kahulugan: Siling dumi ng daga; Indones: Cabai rawit; Malay: Cili api or Cili padi) ay isang uring kultibar ng siling mula sa espesyang Capsicum annuum, na karaniwang matatagpuan sa Timog-silangang Asya. Ito ay kadalasang napagkakamalang siling labuyo(Capsicum frutescens) dahil sa pagkakahawig nito, subalit ang totoo ang dalawang ito ay magkaibang uri. Ang siling bird's eye ay matatagpuan din sa India, sa Meghalaya at Kerela; ito ay ginagamit sa tradisyunal na lutuing Kerala (sa Malayalam tinatawag itong kanthari mulaguMalayalam: കാന്താരി മുളക്). Tinatawag naman itong jal·ik meseki ng mga Garo sa Meghalaya (jal·ik = sili; meseki = dumi ng daga). Matatagpuan din ang siling ito sa mga rural na bahagi ng Sri Lanka (kilala sa tawag na කොච්චි (kochchi) sa wikang Sinhalese), na kung saan ginagamit itong panghalili sa mga siling berde. Isa rin itong pangunahing sangkap sa kochchi sambal, isang ensaladang gawa sa kinayod na niyog, dinurog na siling bird's eye at tinimplahan ng asin at katas ng dayap. Malawak ang gamit ng siling ito sa mga lutuing Thai, Lao, Khmer at Vietnamese.